Walang nakalaang bagong pondo para sa flood control sa panukalang pambansang badyet para sa 2026, dahil nananatiling hindi pa nagagalaw ang PHP350 bilyong inilaan noong 2025 para sa mga kaparehong proyekto.
Ayon sa Malacañang, muling isusumite sa Kongreso ang rebisyong budget proposal na nakatuon sa pagbabago sa alokasyon ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Magpapatuloy ang mga flood control project, ngunit ipatutupad ito sa ilalim ng mas mahigpit na pagsusuri upang matiyak ang wastong paggastos, maayos na implementasyon, at kalidad ng disenyo.
Pinag-utos din na ang mga kontratistang may palpak na proyekto ay kailangang ayusin ito sa sarili nilang gastos bago muling isaalang-alang ng pamahalaan ang pakikipag-ugnayan sa kanila.
Nilinaw ng administrasyon na ang pagbabago ay limitado lamang sa DPWH budget at hindi saklaw ang buong National Expenditure Program para sa 2026.