Nagpatuloy ang repatriation program ng pamahalaan para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) mula Israel sa kabila ng pagbaba ng alert level sa Middle East.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), walong Filipino caregivers ang dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong Huwebes ng gabi sakay ng Philippine Airlines flight PR 0737. Sila ang ika-38 batch ng mga na-repatriate mula nang simulan ang programa noong Oktubre 2023, at ikalawa mula sa tensyon sa pagitan ng Israel at Iran.
Sinalubong ang grupo ng mga opisyal mula sa DMW, DSWD, OWWA, at MIAA. Pagdating, tumanggap ang mga OFW ng pagkain, medical check-up, financial assistance, at tulong sa transportasyon pauwi sa kanilang mga pamilya.
Tiniyak ng DMW ang patuloy na reintegration support para sa mga repatriates, kabilang ang mga programa sa kabuhayan, kalusugan, at kapakanan. Dagdag pa ng ahensya, handa pa rin ang gobyerno na iuwi ang mga OFW na nais bumalik sa bansa kahit humupa na ang tensyon sa rehiyon.