Umabot na sa 298,221 pasyente ang nabigyan ng libreng serbisyong medikal sa ilalim ng Zero-Balance Billing (ZBB) program ng Department of Health (DOH), na may katumbas na halaga ng bayarin na PHP26.4 bilyon para sa basic accommodation sa mga pampublikong ospital.
Dahil sa pagpapatupad ng programa, tumaas din ang average daily admissions sa mga DOH hospital mula 3,297 tungo sa 4,067.
Saklaw ng ZBB ang mga gastusin sa gamot, serbisyo medikal, at professional fees ng mga doktor. Pinopondohan ito ng Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients, PCSO, PAGCOR, at pondo ng mga DOH hospital, bilang dagdag sa tulong mula sa PhilHealth.
Inihahanda na ng DOH ang pagpapatuloy ng programa para sa taong 2026, kung saan PHP260.2 bilyon mula sa panukalang PHP320 bilyong badyet ay ilalaan para sa ZBB, deployment ng mga health workers, at pagpapatupad ng iba pang bahagi ng Universal Health Care (UHC).
Layunin ng DOH at ng administrasyon na mas mapalawak pa ang saklaw ng UHC upang mas maraming Pilipino ang makinabang sa libreng serbisyong pangkalusugan.