-- ADVERTISEMENT --

NABAS, Aklan — Nasa 6 katao ang sugatan matapos na mawalan umano ng preno ang isang 10-wheeler wing van truck na magde-deliver sana ng asukal, at nagdulot pa ng karambola ng siyam na sasakyan sa national highway na sakop ng Sitio Tolingon, Brgy. Libertad, Nabas, Aklan, pasado alas-6:20 ng gabi ng Lunes, Oktubre 20.

Ayon kay P/Major Ronel Bayaban, OIC chief of police ng Nabas Municipal Police Station, habang nasa palusong na kalsada, iniwasan umano ng truck driver ang nasa unahang motorsiklo, subalit nang pabalik na ito sa kanyang linya ay nakaladkad nito ang puting van na bumangga naman sa isang pick-up truck hanggang sa nagkarambola ang iba pang mga sasakyan. 

Mapalad na nakaligtas ang mga sakay na nasangkot sa aksidente at pawang minor injuries lamang ang natamo na agad na isinugod sa Ibajay District Hospital at Motag Hospital sa bayan ng Malay at kalaunan ay inilipat sa ospital sa bayan ng Kalibo.

Dalawang iba pang motorsiklo ang nadamay sa insidente.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa truck driver, biglang hindi kumakagat ang kaniyang preno. Hindi naman umano gaanong mabigat ang kanyang kargang nasa 300 sako ng puting asukal.

Nakadetene na sa Nabas Municipal Police Station ang driver na maaring mahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting in multiple physical injuries and damage to property.

Makalipas ang apat na oras pagkatapos ng insidente, passable na ang naturang kalsada sa lahat ng motorista lalo na ang mga papunta sa isla ng Boracay.