Nanawagan ang Bureau of Immigration (BI) sa mga ahensiyang nag-iisyu ng opisyal na dokumento ng Pilipinas na palakasin ang kanilang mga proseso upang maiwasan ang paggamit ng mga banyaga ng pekeng Filipino identity.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, lumalala ang maling paggamit ng Philippine documents ng mga iligal na dayuhan, na nagdudulot ng banta sa pambansang seguridad.
Ang pahayag ay inilabas matapos maaresto ang isang 45-anyos na Chinese national na si Wu Zhishi sa Daet, Camarines Norte, dahil sa paggamit ng mga pekeng Philippine ID, kabilang ang sa aplikasyon ng lisensya sa baril.
Si Wu, na nagpakita ng expired retiree’s visa at itinanggi ang maling gawain, ay nasa kustodiya na ng Presidential Anti-Organized Crime Commission habang isinasagawa ang deportation proceedings.