Nagdulot ng kaguluhan at pangamba sa mga manonood ang insidente sa concert ng American rapper na si Don Toliver sa Co-op Live Arena sa Manchester, United Kingdom noong Linggo, Nobyembre 22, matapos may di-kilalang substansiya na umano’y kumalat sa gitna ng crowd.
Dahil dito, nagsimulang mag-ubo ang mga concertgoer at nakaranas ng hirap sa paghinga.
Idineklara naman ng Greater Manchester Police ang isang major incident at inilikas ang mahigit 12,000 manonood mula sa arena.
Mahigit 80 katao ang sinuri ng mga emergency medical team dahil sa mga sintomas na may kaugnayan sa mata at respiratory system, habang isang tao ang dinala sa ospital.
Una nang pinaghinalaang tear gas ang nasabing substansiya. Gayunman, patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy kung ano talaga ito at kung paano ito kumalat sa lugar.
Dahil din sa insidente, ipinagpaliban ni Don Toliver ang kaniyang nakatakdang performance sa London habang inaasikaso ng mga organizer ang mga pangyayari.
Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente upang matukoy ang pinagmulan ng di-kilalang substansiya.













