-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan — May natukoy nang persons of interest ang barangay council ng Puis, New Washington na posibleng nasa likod ng insidente ng pambabato ng bato na may kasamang putik nitong Huwebes ng madaling araw, Hulyo 3 sa Sitio Sentro sa naturang lugar.

Ito ang kinumpirma ni Puis Punong Barangay Jerson Arboleda kasunod ng kanyang isinagawang imbestigasyon sa insidente kasama ang kanyang mga tanod.

Posible umanong mga kabataang tambay sa lugar ang nasa likod ng insidente dahil sa umano’y mga dating reklamong ipinaabot sa konseho na nakaranas rin ng kaparehong insidente.

Dagdag pa ni Arboleda na balak niyang magsagawa ng emergency meeting upang mapag-usapan ang mga dapat gawin dahil nagbibigay na ng kahihiyan sa kanilang barangay ang perwisyong ginagawa ng mga ito.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala,  ipapatawag umano nila ang naturang mga menor de edad kasama ang kanilang mga magulang.

Maaring managot aniya ang mga magulang ng mga menor de edad sakaling mapatunayang sangkot ang mga ito sa pambabato ng mga dumadaang sasakyan sa Sitio Sentro at sa bahagi ng diversion road sa nasabing lugar.

May mga dati aniyang record sa barangay ang mga ito.

Nabatid na isang netizen ang nagpaabot ng kanyang saloobin sa social media makaraang batuhin ng bato at putik ang kanyang sinasakyang tricycle dakong alas-3:30 ng madaling araw na naging sanhi ng pagkabasag ng windshield at nag-iwan ng dumi sa kanilang mga damit.

Mabuti na lamang umano at hindi sila nasugatan.