-- ADVERTISEMENT --

NEW WASHINGTON, Aklan — Patay ang isang 21-anyos na lalaki, residente ng Andagao, Kalibo, matapos mawalan ng kontrol sa minamanehong motorsiklo at bumangga sa national highway sa Barangay Polo, New Washington, gabi ng Huwebes, Nobyembre 26.

Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, nagsasagawa umano ng test drive ang biktima matapos kabitan ng bagong piyesa ang motorsiklo. Mabilis umano ang takbo nito at nakikipagkarera sa isa pang rider nang mawalan ng kontrol sa manibela at sumemplang.

Wala rin umanong suot na helmet ang biktima nang mangyari ang aksidente. Sinasabing iniwan din siya ng isa pang rider na kasama niya umano sa karera.

Nagtamo ng malubhang pinsala sa ulo ang biktima at idineklarang dead on arrival sa ospital.

Patuloy ang imbestigasyon ng New Washington Municipal Police Station hinggil sa insidente.

-- ADVERTISEMENT --