Nagbabala si Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara na maaaring humantong sa pagpapatalsik o expulsion sa paaralan ang parusa sa mga estudyanteng mapatutunayang sangkot sa bullying, kasabay ng nagpapatuloy na imbestigasyon sa insidente sa Ciriaco L. Icamina Sr. National High School sa bayan ng Malinao, Aklan.
Sa kaniyang opisyal na pahayag sa Facebook, mariing kinondena ni Angara ang lahat ng uri ng pambubully at karahasan sa loob ng mga paaralan.
Ayon sa kalihim, sa ilalim ng bagong DepEd Order No. 006, s. 2026, o ang Guidelines on Ensuring a Safe and Motivating Learning Environment (ESMLE), mas pinahigpit na ng DepEd ang mga alituntunin at parusa laban sa bullying, kabilang ang pagpapatalsik sa paaralan bilang pinakamabigat na disciplinary sanction.
“Bilang author ng Anti-Bullying Act of 2013 noong ako ay mambabatas, naging bahagi na ng aking adbokasiya ang pagprotekta sa mga bata… Pananagutin natin ang sinumang mapatunayang lumabag,” pahayag ni Angara.
Samantala, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng DepEd Schools Division Office (SDO) ng Aklan, katuwang ang lokal na pamahalaan, mga social worker at kapulisan.
Nanawagan din si Angara sa mga residente ng Aklan at sa publiko na iwasang magpakalat ng mga haka-haka at hindi beripikadong impormasyon, lalo na ang mga larawan at video ng mga menor de edad na sangkot sa insidente, upang hindi na madagdagan ang kanilang trauma.
Sa kasalukuyan, nabigyan na ng Psychological First Aid ang mga estudyanteng sangkot sa insidente. Ini-refer na rin sila sa Malinao Municipal Health Office at lokal na social welfare office upang mabigyan ng angkop na suporta at interbensyon.
Patuloy namang tiniyak ng DepEd na iimbestigahan ang insidente at pananagutin ang sinumang mapatunayang lumabag sa mga patakaran laban sa bullying.













