KALIBO, Aklan — Sinimulan na ng Department of Education (DepEd) Region 6 ang pamamahagi ng 16,738 laptop para sa mga teaching at non-teaching personnel sa Western Visayas bilang bahagi ng digital modernization program ng ahensya.
Ayon kay DepEd Region 6 Spokesperson Hernani Escullar Jr., kabilang sa mga ipamamahaging kagamitan ang 10,318 MacBook Neo at 6,420 Acer laptop. Sa kabuuan, 2,099 unit ang nakalaan para sa Aklan.
Priyoridad na makatatanggap ang mga gurong hindi pa nabibigyan ng laptop mula sa DepEd, lalo na ang mga nagtuturo ng ICT at gumagamit ng educational technology.
Mananatiling pag-aari ng gobyerno ang mga laptop at gagamitin lamang sa opisyal na trabaho. Mayroon ding limang taong warranty, productivity software at kaukulang training para sa mga guro.
Bahagi ito ng ₱7.4-bilyong programa ng DepEd na naglalayong mamahagi ng 172,654 laptop sa mga guro at administrative personnel sa buong bansa hanggang Marso 2027.













