KALIBO, Aklan — Nanawagan ang isang youth-led advocacy group na huwag ituloy ang planong pagtatayo ng Pax Silica sa Clark City dahil sa posibleng malawakang epekto nito sa biodiversity o likas na yaman ng lugar.
Ayon kay Von Eric Tagarino, miyembro ng Alliance for the Conservation of Enigmatic Wildlife (EnWild), hindi lamang masisira ang kapaligiran sakaling matuloy ang proyekto, kundi maaari ring tuluyang mawala ang natural na tirahan ng maraming uri ng hayop at halaman.
Binanggit ni Tagarino ang biodiversity assessment na isinagawa noong 2019 sa pamamagitan ng Asian Development Bank (ADB), kung saan natukoy ang presensya ng maraming native plant species, fish species at iba pang hayop na may mataas na antas ng endemism o mga species na matatagpuan lamang sa isang partikular na lugar.
Posible aniyang magdulot ang konstruksyon ng malawakang pagkasira ng ecosystem at pagkawala ng natural na tirahan ng mga hayop at halaman na matagal nang naninirahan sa lugar.
Hindi rin aniya sapat na solusyon ang ipinangakong reforestation dahil hindi basta-basta mapapalitan ang mga native at endemic species na naroroon na sa lugar sa loob ng milyun-milyong taon.
Binigyang-diin din ni Tagarino na bagama’t inilalarawan ang lugar bilang undeveloped land, hindi nangangahulugang wala itong mahalagang biodiversity na dapat pangalagaan.
Layunin umano ng kanilang grupo na bigyang-boses ang mga hayop at iba pang species na hindi kayang ipaglaban ang kanilang sarili.













