-- ADVERTISEMENT --

MALAY, Aklan — Nakamit ng lokal na pamahalaan ng Malay sa pamumuno ni Mayor Frolibar Bautista ang Second Runner-Up award sa kategoryang Best Tourism Week/Month Celebration sa 2026 ATOP Pearl Awards na ginanap noong Oktubre 21, 2026 sa Ormoc City, Leyte.

Bahagi ito ng 27th National Convention ng Association of Tourism Officers of the Philippines (ATOP).

Kasama umano sa naging kinatawan sa awarding ceremony si Dr. Felix Delos Santos Jr., Chief Tourism Operations Officer ng Malay Municipal Tourism Office at iba pa.

Dumalo rin sa seremonya si Department of Tourism Region VI Regional Director Crisanta Marlene P. Rodriguez.

Ipinagkaloob ang pagkilala bilang pagpapahalaga sa mga programa ng Malay na nagtataguyod sa turismo, kultura at pamana ng bayan, gayundin sa aktibong pakikilahok ng mga tourism stakeholders at komunidad.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, ipinagpatuloy rin ng LGU-Malay ang promosyon sa Boracay sa pamamagitan ng paglahok sa North Luzon Travel Expo sa SMX Convention Center sa Clark, Pampanga, mula Nobyembre 20 hanggang 22.

Kabilang sa delegasyon ang Sandcastle Makers Association, mga hair braider at travel agency na Xingli Tourism upang ipakilala ang Boracay sa mas maraming turista at mapalakas ang ugnayan sa iba pang tourism stakeholders.

Patuloy rin ang municipal-wide beautification at clean-up drive ng LGU-Malay kada buwan, bukod sa regular na paglilinis tuwing Linggo.

Kabilang dito ang paglilinis ng mga baybayin, kalsada at mga lugar na may abandonadong establisimyento sa tulong ng tourism frontliners, mga establisimyento, organisasyon at mga volunteers.

Ayon sa lokal na pamahalaan, patunay ang pagkilalang ito sa patuloy na pagsusulong ng Malay ng turismo, pangangalaga sa kultura at aktibong pakikilahok ng komunidad tungo sa isang sustenableng industriya ng turismo.