KALIBO, Aklan — Limang unit ng electric tricycles o e-trikes ang planong ipasok ng kompanyang Polaris sa bayan ng Kalibo sa pamamagitan ng boundary system bilang bahagi ng pilot testing o paunang pagsubok sa operasyon nito.
Patuloy namang sinusuri ng Committee on Transportation ng Sangguniang Bayan ang panukala dahil sa mga pangambang may kaugnayan sa trapiko, kompetisyon sa mga tradisyonal na tricycle driver at kakayahang pinansyal ng mga lokal na mamamayan.
May kapasidad na anim na pasahero ang bawat unit na nagkakahalaga ng ₱350,000 hanggang ₱390,000. Iminungkahi rin ng kompanya ang isang lugar sa Pook, Kalibo bilang charging station.
Ayon kay SB Matt Aaron Guzman, chairman ng komite, nakabinbin pa ang panukala habang tinatapos ang committee report bago muling iharap sa konseho para sa karagdagang pagtalakay.













