KALIBO, Aklan — Naniniwala ang isang political observer na magpapatuloy ang pagtutol sa Pax Silica initiative ng ilang grupo, sa kabila ng kawalan ng pormal na paglagda sa kasunduan kaugnay dito sa pagbisita sa bansa ni US President Donald Trump.
Ayon kay University of the Philippines College of Mass Communication Professor Danilo Arao, naging epektibo ang mga isinagawang kilos-protesta sa Pilipinas at sa iba’t ibang bahagi ng mundo dahil walang naganap na pirmahan ng kasunduan sa naturang pagbisita.
Giit ni Arao, patuloy nilang tinututulan ang naturang inisyatiba dahil hindi aniya ang mga Pilipino ang pangunahing makikinabang sakaling maisakatuparan ito.
Binigyang-diin din niya na dahil nananatiling import-dependent at export-oriented ang ekonomiya ng bansa, kaya posibleng higit pang makinabang ang mga dayuhang mamumuhunan kaysa sa mga lokal na mamamayan.
Aniya, hindi rin direktang mapapakinabangan ng bansa ang malaking bahagi ng kikitain ng mga dayuhang kompanya dahil ilalabas din ang kanilang tubo sa Pilipinas.
Kabilang din sa mga ikinababahala ni Arao ang posibleng pagsasamantala sa yamang mineral ng bansa at ang kawalan ng sapat na technology transfer na makatutulong sa pagpapaunlad ng lokal na industriya.
Dagdag pa niya, may mga bansang tumatanggap ng dayuhang pamumuhunan subalit protektado pa rin ang kapakanan ng kanilang mga mamamayan.
Samantala, isa rin sa mga posibleng epekto ng Pax Silica initiative ang panganib sa kalikasan, partikular sa malaking konsumo ng tubig na kakailanganin ng mga advanced industry gaya ng semiconductor manufacturing at critical minerals processing.
Dahil dito, iginiit ni Arao na mahalagang suriin muna ang posibleng epekto ng naturang inisyatiba sa ekonomiya, kapaligiran at kapakanan ng mga Pilipino bago ito isulong.













