Pasok na sa quarterfinals ng AFC Women’s Asian Cup 2026 ang Philippine women’s national football team o Filipinas matapos makuha ang isa sa mga puwesto sa knockout stage.
Nakasiguro ang Pilipinas sa susunod na round matapos talunin ng Japan ang Vietnam, 4-0, sa kanilang huling laban sa Group C na ginanap sa Perth.
Dahil sa resulta, nagtapos ang Filipinas bilang ikalawang pinakamahusay na third-placed team sa torneo. Sa Group A, nakapagtala ang koponan ng isang panalo at dalawang talo na may minus-2 goal difference.
Nagkaroon din ng minus-2 goal difference ang Uzbekistan na ikatlo sa Group B at nakapasok din sa susunod na round. Samantala, bumagsak sa minus-4 goal difference ang Vietnam matapos ang pagkatalo sa Japan, dahilan upang tuluyang makapasok ang Pilipinas sa huling walong koponan.
Makakaharap ng Filipinas ang Japan sa quarterfinals na gaganapin sa Marso 15 sa Sydney.













