Isang emosyonal na eksena ang naganap sa ikalawang weekend ng Coachella matapos i-serenade ni Justin Bieber si Billie Eilish sa entablado noong Abril 19 (oras sa Pilipinas).
Sa halip na duet, itinampok si Eilish sa performance ng “One Less Lonely Girl,” kung saan kapansin-pansin ang kanyang matinding emosyon habang yakap si Bieber at napaiyak sa gitna ng kanta. Bago ito, makikitang inakay siya ni Hailey Bieber mula sa audience, kasama sina Finneas O’Connell at Claudia Sulewski.
Nagpatuloy ang emosyon ni Eilish kahit matapos ang pagtatanghal, na ibinahagi niya sa social media. Para sa mga tagahanga, itinuturing itong makabuluhang sandali dahil sa matagal nang paghanga ni Eilish kay Bieber, na una niyang nakilala noong 2019 at nakasama sa remix ng “Bad Guy.”













