-- ADVERTISEMENT --

EGYPT — Hindi bababa sa pitong katao ang nasawi habang mahigit 100 naman ang nasugatan matapos magbanggaan ang dalawang tren malapit sa lungsod ng Giza sa Egypt.

Ayon sa awtoridad ng riles, bumangga ang isang tren na bumibiyahe mula Giza patungong Fayoum sa likurang bahagi ng isa pang tren na nakahinto sa riles at patungong Aswan.

Dahil sa lakas ng banggaan, ilang bagon ang nadiskaril at nahulog sa gilid ng riles.

Kabilang sa mga nasawi ang drayber ng isa sa mga tren.

Karamihan sa mga sugatan ay nagtamo ng mga bali at pinsala sa ulo.

-- ADVERTISEMENT --

Iniutos ni Egyptian President Abdel Fattah al-Sisi ang masusing imbestigasyon upang matukoy ang sanhi ng aksidente at mapanagot ang sinumang mapatunayang nagpabaya.

Nakaalerto na rin ang mga ospital sa lugar upang tugunan ang pagdagsa ng mga sugatan.

Pansamantalang sinuspinde ang biyahe ng mga tren sa pagitan ng Giza at Upper Egypt habang inaalis ang mga nawasak na bagon.