-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan — Nakuha ng Democratic Party ang kontrol sa dalawang kapulungan ng United States Congress matapos ang malaking panalo sa isinagawang midterm elections noong Nobyembre 3, 2026.

Ayon kay Pinoy Gonzales, Bombo International News Correspondent sa Houston, Texas, naging landslide victory para sa mga Democrat ang resulta ng halalan na nagbigay sa kanila ng mayorya sa House of Representatives at Senado.

Sa mga gubernatorial race, malaki rin ang naging pag-usad ng Democrats, na inaasahang magkakaroon ng kontrol sa hindi bababa sa 28 governorships pagsapit ng 2027.

Ipinaliwanag ni Gonzales na karaniwang nagkakaroon ng political advantage ang partido ng nananalong presidente sa mga halalan, subalit sa midterm elections ay kabaligtaran ang nangyari.

Aniya, maaaring naging kampante ang mga Republican bilang naghaharing partido kaya nakapagtala ng malaking panalo ang kanilang katunggali.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon pa kay Gonzales, bagama’t magandang resulta ito para sa Democratic Party, hindi nangangahulugang awtomatikong magiging maganda rin ang epekto nito sa kabuuang Amerika.

Bagama’t kontrolado na ng Democrats ang Kongreso, nananatili kay US President Donald Trump ang kapangyarihan ng ehekutibo at pagpapatupad ng mga polisiya ng administrasyon.

Gayunman, magkakaroon na ng mas malaking papel ang Democrats sa paggawa ng batas, pag-apruba ng budget at pagsasagawa ng congressional investigations. Maaari ring tutulan ng Kongreso ang ilang panukala ng pangulo.

Sa sistema umano ng pamahalaan ng Amerika, ang Kongreso ang gumagawa at nagpapasa ng mga batas, habang maaaring lagdaan o i-veto ng pangulo ang mga ito. Maaari namang i-override ng Kongreso ang presidential veto sa pamamagitan ng two-thirds vote sa dalawang kapulungan.

Sa kabila ng pagkatalo ng kaniyang partido, mananatili sa puwesto si Trump hanggang matapos ang kaniyang termino sa Enero 2029.

Dahil dito, inaasahang magiging mas mahirap para sa administrasyong Trump na maisulong ang legislative agenda nito sa natitirang dalawang taon ng kaniyang panunungkulan.