
Ginawaran ang BINI ng Global Force Award sa Billboard Women in Music na ginanap sa Hollywood Palladium sa Los Angeles, California.
Tinanggap ng Nation’s Girl Group ang parangal sa harap ng mga kilalang babaeng musikero at producer mula sa iba’t ibang bansa.
Nagpasalamat ang grupo sa pagkilala at inialay ang award sa kanilang mga tagasuporta at sa buong industriya ng Original Pilipino Music (OPM).
Binigyang-diin ng BINI na karangalan para sa kanila ang katawanin ang musikang Pilipino sa pandaigdigang entablado at magsilbing inspirasyon sa kabataang nangangarap.
Nagpasalamat din sila sa kanilang pamilya, fans na BLOOMs, at sa ABS-CBN sa patuloy na suporta.
Ayon sa grupo, ang parangal ay hindi lamang tagumpay ng BINI kundi hakbang din upang mabigyan ng mas maraming oportunidad ang iba pang Filipino artists sa international music scene.
Matapos ang matagumpay na debut sa Coachella, nakatakda rin ang kanilang world tour ngayong taon na magsisimula sa Pilipinas.












