TANGALAN, Aklan — Tinatayang nasa tatlong ektarya o nasa 30,000 square meters ng damuhan ang nasunog sa kabundukang sakop ng Brgy. Tagas, Tangalan, dakong alas-9:20 ng umaga ng Huwebes, Hulyo 31, 2025.
Ayon kay FO1 Esmael Corot, arson investigator ng Bureau of Fire Protection – Tangalan, nagsimula ang sunog sa bahagi ng Baluga Hills sa naturang lugar at mabilis na kumalat ang apoy dahil sa mga tuyong dahon at cogon.
Nadamay rin umano ang ilang mga tanim na pine tree sa lugar.
Malayo naman sa residential area ang sunog kaya walang naapektuhan o nadamay na mga kabahayan.
Pero ayon kay FO1 Corot, mabilis ang pagkalat ng apoy dahil sa malakas na hangin.
Idineklara ang fire out dakong ala-1:40 ng hapon o inabot ng halos apat na oras ang ginawang fire fighting bago tumigil ang apoy.
Hindi naman naabot ng fire truck ng Tangalan BFP ang lugar na nasusunog dahil walang access road patungo roon at mataas ang lugar ng pinangyarihan ng sunog.
Tumulong aniya sa kanila ang mga residente na nagsagawa ng bucket brigade.
Binantayan na lamang ng BFP ang mga lugar ng kabahayan sa baba ng nasusunog na area para tiyakin na walang madadamay na mga bahay.
Hindi pa matiyak ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog kung saan patuloy pa itong iniimbestigahan.