KALIBO, Aklan — Personal na mino-monitor ni Kalibo Mayor Juris Sucro ang implementasyon ng mas pinalakas na curfew hour sa mga menor de edad.
Ayon kay Jay-ar Arante, head ng media team ng LGU-Kalibo na may pilang mga kabataan ang ni-rescue dahil sa paglabag sa ipinapatupad na ordinansa kung saan isinailalim ang mga ito sa profiling.
Napansin umano ni Mayor Sucro na may mga residente na mistulang nakalimutan na ang ipinapatupad na curfew ordinance na nagsisimula ng alas-10:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling araw.
Kaugnay nito, nanawagan ang LGU sa mga magulang at guardians na instriktong obserbahan ang ordinansa kung saan hinihiling rin ng alkalde sa mga kapulisan at mga opisyal ng barangay na patuloy na ipatupad ang curfew upang maiwasang masangkot ang mga kabataan sa mga kaguluhan at nakawan.
Kasamang nilibot ng grupo ni Mayor Sucro ang mga bars at iba pang lugar na tinatambayan ng kabataan upang magbigay ng babala.