KALIBO, Aklan—Nagpapatuloy ang search and rescue operation ng Philippine Coast Guard sa umano’y nawawalang sampung katao mula sa 20 mga sakay ng dalawang bangka na lumubog sa karagatan sa kalagitnaan ng Caluya, Antique; Isla ng Boracay at Carabao Island.
Inihayag sa Bombo Radyo ni Coast Guard Lieutenant Junior Grade John Laurence Banzuela ng Philippine Coast Guard-Aklan, umalis aniya ang bangka sa Angol Point, Brgy. Manoc-manoc sa isla ng Boracay, araw ng Lunes.
Ngunit, pagdating sa nasabing karagatan ay naabutan ang mga ito ng squall o subasko at hinampas ng malalaking alon ang kanilang bangka na nagresulta sa paglubog nito.
Kinilala ang mga nailigtas na sina Rhea Devera, 25-anyos ng San Jose, Occidental Mindoro; Jarenz Bernal, 16-anyos ng Poblacion, Caluya, Antique; Joseph Terelyos, 28-anyos ng Silang, Cavite; Frederick Lompero, 34-anyos ng Libmanan, Bicol; Luisa Ojano, 47-anyos ng Caluya, Antique; Alvin Salodes, 30-anyos ng Poblacion, Caluya, Antique at Boat Captain; Arnold Terelyos, 35-anyos ng Silang, Cavite at crew ng isang bangka gayundin si Gary Patricio at si Jonald Patricio na boat captain ng isa pang bangka.
Kasalukuyan pang inaalam kung ang naunang lumubog na bangka ay sinubukang tulungan ng pangalawa ngunit maging sila ay lumubog rin.
Batay sa kanilang inisyal na imbestigasyon, nasa 20 lamang ang kabuuang pasahero ng dalawang bangka kung saan, sampu sa mga sakay nito ay matagumpay na nailigtas at isinailalim sa medical check-up sa District Hospital ng Romblon at ang ilan sa mga ito ay nananatili sa Local Disaster Risk Management Office ng Romblon.
Umapela sa Banzuela sa lahat na kapag malakas ang alon ay huwag na ipilit na lumayag pa sa kanilang kaligtasan.