Nagsampa ng kasong perjury sa Department of Justice si dating senador Antonio Trillanes IV laban sa 18 dating Marines na nag-akusang tumanggap umano siya ng $2 milyon para sa mga imbestigador ng International Criminal Court.
Kasabay nito, naghain din siya ng cyberlibel at kasong incriminating an innocent person laban sa abogado ng grupo na si Levito Baligod at sa ilang personalidad kabilang sina Mike Defensor, Jay Sonza, Lorraine Badoy at Cathy Binag dahil sa umano’y pagpapakalat ng mapanirang pahayag online.
Ang paratang ay nagmula sa pahayag ng mga dating sundalo na nagsilbi umano silang tagahatid ng pera sa ilang opisyal ng pamahalaan at sa mga tauhan ng ICC na nagsasagawa ng imbestigasyon laban kay Rodrigo Duterte.
Iginiit ni Trillanes na walang katotohanan ang akusasyon. Samantala, nagpahayag ng suporta sina Defensor at Badoy sa mga dating sundalo at handa umano silang harapin ang mga kaso. Hiwalay na reklamo rin ang inihain ni Eduardo Año laban sa grupo ng mga dating sundalo at kay Defensor.













