Naghain si Manila 3rd District Rep. Joel Chua ng House Bill No. 8839 na naglalayong ibalik sa pamahalaan ang kapangyarihang makialam sa presyo ng langis sa gitna ng matitinding galaw sa pandaigdigang merkado.
Sa panukalang “Fuel Price Stabilization and Energy Security Act,” iminungkahi ang paglikha ng Fuel Regulatory Board na may kapangyarihang magtakda ng price ceilings at mag-regulate ng presyo, kasama ang pagtatatag ng Oil Price Stabilization Fund upang mabawasan ang epekto ng biglaang pagtaas ng presyo ng langis.
Kasama rin sa panukala ang pagbuo ng strategic fuel reserve na maaaring gamitin sa panahon ng kakulangan sa suplay o pagtaas ng presyo. Layunin ng panukala na maprotektahan ang mga konsyumer at mapanatili ang katatagan ng ekonomiya at seguridad sa enerhiya sa kabila ng pabago-bagong pandaigdigang merkado.













