-- ADVERTISEMENT --

Ibinasura ng House Committee on Justice ang dalawang impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos ideklarang insufficient in substance ang mga ito sa pagdinig noong Miyerkules. Bagama’t nauna nang itinuring na sufficient in form ang mga reklamo, hindi umano nakitaan ng sapat na batayang nilalaman upang maisulong sa plenaryo ng Kamara.

Ang dalawang impeachment complaint ay inihain ng abogado na si Andre de Jesus at ng mga lider ng progresibong grupo kasama ang Makabayan bloc. Sa botohan ng komite, mayorya ng mga miyembro ang sumuporta sa pagbasura sa parehong reklamo.

Ayon sa mga alituntunin ng Kamara, kailangang may malinaw at sapat na batayan ang isang impeachment complaint bago ito isalang sa botohan ng buong kapulungan. Sa kasong ito, itinuring ng komite na kulang ang mga paratang upang maituring na mga impeachable offense, dahilan upang pansamantalang matigil ang proseso laban sa Pangulo sa antas ng komite.