Pinayagan ng International Criminal Court ang dose-dosenang biktima ng kampanya kontra droga sa Pilipinas na makilahok sa pre-trial proceedings ng kasong isinampa laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte. Magsisimula ang confirmation of charges proceedings sa Pebrero 23, 2026.
Saklaw ng kaso ang mga umano’y pagpatay at tangkang pagpatay na may kaugnayan sa Davao Death Squad at sa giyera kontra droga ng administrasyong Duterte mula 2011 hanggang 2019. Sa 304 aplikasyong sinuri ng korte, pinayagan ang mga biktimang malinaw na pasok sa depinisyon ng ICC at may direktang kaugnayan sa mga krimeng isinampa, habang may ilang aplikasyon ang tinanggihan dahil wala sa saklaw ng kaso. Maaari pa ring maghain muli ang mga hindi pinayagan sa mga susunod na yugto ng proseso.
Itinalaga ng korte ang isang pangkat ng mga abogado sa ilalim ng common legal representation upang katawanin ang lahat ng pinayagang biktima, at tinanggihan ang mga pagtutol ng depensa sa kanilang pagkakatalaga. Binigyan na rin ng access ang legal team sa mga rekord ng kaso at susuportahan ng mga field assistant para sa koordinasyon at pangangalap ng impormasyon.
Tinanggihan naman ng ICC ang kahilingang muling buksan sa ngayon ang aplikasyon para sa karagdagang mga biktima, ngunit nananatiling bukas ang posibilidad ng kanilang partisipasyon kung umusad ang kaso sa yugto ng paglilitis.












