Sinuspinde ng House Infrastructure Committee ang imbestigasyon sa mga iregularidad sa mga proyektong flood control upang bigyang-daan ang mas malawak na imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), ayon kay Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon.
Napagkasunduan ng pinagsamang komite na ihinto ang mga pagdinig upang masiguro ang patas at malayang pagsusuri ng ICI. Lahat ng dokumento, transcript, at ebidensiyang nakalap ng komite ay naipasa na sa komisyon bilang bahagi ng kanilang kooperasyon.
Matatandaang binatikos ang imbestigasyon ng Kamara dahil sa pagkakasangkot ng ilang mambabatas sa umano’y kickback scheme at mga ugnayan sa mga aktibong kontratista ng gobyerno.
Nilinaw ni Ridon na ang desisyon ay kusa ng komite at hindi lamang tugon sa hiling ni House Speaker Bojie Dy.