-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan — Hinikayat ng Kalibo Municipal Police Station ang kooperasyon ng publiko kaugnay sa pagsasagawa nila ng mga checkpoint.

Kaugnay nito, ipinaalala ni  P/Lt. Arnold Tejada, hepe ng investigation section ng Kalibo MPS sa mga motorista na palaging dalhin ang kanilang mga dokumento ng sasakyan lalo na ang certificate of registration at driver’s license.

-- ADVERTISEMENT --

Aniya ang pagsasagawa ng checkpoint ay kailangang nasa maliwanag na lugar at may nakabantay na  pulis.

Habang papalapit sa checkpoint, dapat bagalan ng mga motorista ang takbo ng kanilang sasakyan at ibaba ang headlight at huwag bumaba sa sasakyan dahil visual search lamang ang pinapayagang gawin.

Dagdag pa nga maaring tumanggi sa body search at hindi obligado ang motorista na magbukas ng compartment o u-box.

Panindigan umano ang karapatan ngunit maging marespeto sa pagsagot at huwag mag panic at maghanda ng mga numerong maaring tawagan sa kanilang mga cellphone at tumawag kung kinakailangan.

Maaari umanong magreklamo kapag may makitang paglabag na ginawa ang mga pulis sa pagsasagawa ng checkpoint.

Samantala, paalala pa ni Tejada sa mga motorista na huwag umiwas o takbuhan ang checkpoint upang maiwasan maaring pagkadisgrasya sa daan at magkaroon ng mga paglabag sa ipinapatupad na patakaran ng pulisya.

Obligado rin umano ang lahat ng mga motorcycle rider na magsuot ng helmet na may ICC markings.