KALIBO, Aklan — Nanawagan ang Aklan Provincial Board ng agarang aksyon kaugnay sa umano’y ilegal na pagkansela sa Certificate of Land Ownership Award (CLOA) ng mga katutubong Ati sa Isla ng Boracay.
Ito ay kasunod ng ikinasang kilos-protesta ng mga miyembro ng Asosasyon ng Boracay Ati Tribal Organization (ABATO) sa labas ng tanggapan ng Department of Agrarian Reform (DAR) provincial office.
Ayon kay Board member Apolinar Cleope, irerekomenda nilang dapat na maibalik sa mga katutubo ang kanilang karapatan sa lupang iginawad sa kanila.
Pinangangambahan ng opisyal na ang isyu ay makakaapekto sa turismo sa Boracay.
Ang mga Ati sa Boracay ay ginawaran umano ng nasa 800 square meters na lupa na may limang CLOA na matatagpuan sa magkakahiwalay na lugar sa Barangay Manoc-Manoc na pawang may claimant.
Dalawa sa mga ito ay napasok na at binarikadahan ng mga blue guards ng isang private land developer na umaangkin sa naturang mga property na ang hawak lamang ay tax declaration.
Nakatanggap umano ang mga ito ng notice to vacate noong Enero 24, 2026 dahilan ng paghahain ng mosyon ng kanilang abogado noong Pebrero 4.
Ngunit nagulat na lamang sila nang pagbawalang makapasok sa lugar noong Pebrero 16.
Nabatid na iginawad ng DAR ang mga CLOA sa mga miyembro ng Ati community noong 2018 upang magkaroon sila ng sariling lupang masakahan at matitirhan. Bahagi ito ng prayoridad noon ni Pangulong Rodrigo Duterte na isailalim sa rehabilitatasyon ang Boracay.
Binawi ang mga CLOA ng administrasyong Marcos sa isang kautusan noong Enero 29, 2024, matapos matuklasan sa pagsusuri na hindi angkop ang lupa para sa pagsasaka.
Nilagdaan ito ni DAR Secretary Conrado Estrella III at iniutos ang pagpapaalis sa mga katutubong Ati at pinaboran ang reklamong inihain ng mga private land developer.
Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na pahayag ang DAR-Aklan kaugnay sa naturang isyu.













