-- ADVERTISEMENT --

Umakyat sa 15,161 ang naitalang kaso ng dengue mula Hulyo 20 hanggang Agosto 2, ayon sa Department of Health (DOH). Mas mataas ito ng dalawang porsyento kumpara sa 14,909 na kaso mula Hulyo 6 hanggang 19, bago tumama ang mga bagyong Crising, Dante, at Emong.

Nananatiling naka-alerto ang DOH kasunod ng inaasahang pag-ulan dulot ng habagat, batay sa ulat ng PAGASA. Kaugnay nito, muling ipinaalala ng ahensya ang kahalagahan ng pagpapanatili ng kalinisan sa paligid upang maiwasan ang pagdami ng lamok na nagdadala ng dengue.

Bukas pa rin ang mga dengue fast lane sa mga ospital ng DOH upang agad na tugunan ang mga pasyente. Hinihikayat din ang publiko na agad magpatingin sa doktor sa oras na makaranas ng sintomas gaya ng lagnat na tumatagal ng dalawang araw, rashes, pagkahilo, pagsusuka, pananakit ng katawan, kalamnan, at mata.