Ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon na kumukwestiyon sa paglikha ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), ang ad hoc body na itinatag ng Malacañang upang imbestigahan ang anomalya sa mga flood control projects.
Ayon sa resolusyon ni Associate Justice Samuel H. Gaerlan, hindi natugunan ng mga abogado na sina Jacinto Paras, Manuelito Luna, at Ferdinand Topacio ang mga kinakailangan para sa judicial review. Ipinahayag ng SC na ang petisyon ay lumabag sa hierarchy of courts doctrine dahil direktang isinampa sa pinakamataas na hukuman nang hindi dumaan sa mas mababang korte.
Hindi rin napatunayan ng mga petitioner na may aktwal na kaso o kontrobersiya na naglabag sa kanilang mga karapatan o naapektuhan sila ng Executive Order No. 94, Series of 2025, na nagtatag ng ICI.













