-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan—Ipinagmamalaki at ikinatuwa ng lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan na hindi pa rin napag-iiwanan ang isla ng Boracay matapos na mahanay sa ika-apat na pwesto bilang ‘most visited island destinations in Asia’ sa TimesTravel ng The Times of India.

Sa katunayan ayon kay Katherine Licerio, tagapagsalita ng Malay Tourism Office, nananatiling nasa 5,000 hanggang 6,000 ang daily tourist arrival sa isla kung kaya’t naitala ang kabuuang 76,540 na bilang ng mga turista na bumisita sa Boracay sa unang dalawang linggo nitong buwan ng Agosto.

Nangunguna pa rin dito ang mga dayuhang turista mula sa bansang Korea, China, United States of America, Taiwan, Australia, Japan, United Kingdom, Russia, India at Canada.

Samantala, nitong nakaraang long weekend ayon pa kay Licerio ay naitala ang nasa 8,000 daily tourist arrival na pumasok sa Boracay kung kaya’t inaasahan na malalampasan nito ang bilang na naitala sa unang dalawang linggo ng kasalukuyang buwan.

Sa kabilang dako, nilinaw ni Licerio na walang turistang tinamaan ng dengue matapos na makatala ang nasabing bayan ng mataas na bilang ng mga nagkasakit ng dengue.

-- ADVERTISEMENT --