-- ADVERTISEMENT --

Naghain ng reklamong election offense si Pasig City Mayor Vico Sotto laban sa dati niyang katunggali na si Cezarah Rowena “Sarah” Discaya kaugnay ng umano’y paglabag sa batas-panghalalan noong Mayo 2025.

Sa reklamong inihain sa Political Finance and Affairs Department ng Commission on Elections, inakusahan ni Sotto si Discaya ng paglabag sa Omnibus Election Code of the Philippines dahil sa umano’y paglabis sa campaign spending at hindi tamang pagdedeklara sa kanyang Statement of Contributions and Expenses (SOCE).

Nakasaad sa reklamo na ₱895,000 lamang ang iniulat na gastos para sa printed materials, ngunit may mga ebidensiyang nagpapakita ng umano’y hindi naiulat na digital ads, outdoor ads, at billboard. Ayon kay Sotto, maaaring umabot sa ₱1,391,655 ang pinapayagang gastusin batay sa bilang ng rehistradong botante sa Pasig.

Naghain din si Sotto ng hiwalay na reklamong perjury laban kay Discaya kaugnay ng isyu sa kanyang kwalipikasyon bilang kandidato. Tinulungan siya sa paghahain ng kaso ng Macalintal Law Office sa pangunguna ni Romulo Macalintal.