KALIBO, Aklan — Tiniyak ng Metro Kalibo Water District (MKWD) na nakahanda na ito sa posibleng epekto ng Very Strong El Niño upang maiwasan ang krisis sa suplay ng tubig.
Ayon kay Frederick Buenavidez, Public Information Officer ng MKWD, nananatili sa Alert Level 2 ang kanilang water system matapos maitala ang 10 hanggang 25 porsiyentong pagbaba sa produksyon ng ilang water sources at pumping water levels.
Aminado rin ang ahensya na may ilang lugar na nakararanas na ng mahinang pressure at paminsan-minsang pagkawala ng tubig dahil sa pagbaba ng produksyon ng ilang pinagkukunan ng tubig.
Kabilang sa mga hakbang ng MKWD ang pagbawas sa water wastage, mahigpit na pag-monitor sa labis na konsumo at patuloy na pagsisikap na mabawasan ang water losses o pagtagas sa mga tubo.
Naglalabas din ang ahensya ng mga abiso at infomercial upang hikayatin ang publiko na magtipid, muling gumamit at mag-recycle ng tubig bilang paghahanda sa inaasahang epekto ng matinding tagtuyot.












