Iminungkahi ng apat na senador ang muling pagtalakay ng Korte Suprema sa desisyon nitong ibasura ang impeachment complaint laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte. Lumagda sa resolusyon sina Senador Kiko Pangilinan, Tito Sotto, Bam Aquino, at Risa Hontiveros.
Layon ng resolusyon na linawin ang ugnayan ng mga konstitusyonal na kapangyarihan ng Korte Suprema, Kamara, at Senado sa usapin ng impeachment. Binatikos nito ang paggamit ng bagong depinisyon ng salitang “initiate,” na hindi pa umiiral nang aprubahan ng Kamara ang Articles of Impeachment laban kay Duterte.
Hiniling ng mga senador na huwag ipatupad nang paurong ang bagong depinisyon at isaalang-alang ang Doctrine of Operative Facts at Fairness Principle upang kilalanin ang bisa ng mga aksyong isinagawa batay sa dating legal na pamantayan. Layunin nitong bigyang-daan ang pagpapatuloy ng impeachment trial sa Senado.