LIBACAO, Aklan — Nanumpa na bilang alkalde ng bayan ng Libacao si First Councilor Tim Bryan Teodosio sa tanggapan ni Presiding Judge Montalid Patnubay Jr. ng Aklan Regional Trial Court, araw ng Miyerkules, Nobyembre 19, 2025.
Kasunod ito ng ipinalabas na kautusan ng Ombudsman sa Department of Interior and Local Government (DILG) Region 6 na sibakin sa pwesto si dating Mayor Vincent Navarosa at ama nitong si dating Vice Mayor Charito Navarosa.
Pumalit naman bilang bise-alkalde si Councilor Ton-Ton Navarosa, anak at kapatid ng napatalsik na mga opisyal.
Siya ang nakakuha ng ikalawang pinakamaraming boto sa pagkakonsehal noong nakaraang eleksyon.
Nauna dito, nagpalabas ng dismissal order ang Office of the Ombudsman laban sa mag-amang Navarosa kasama si Municipal Engineer Peter Orbista, kaugnay ng reklamong inihain ng isang pribadong kompanya para sa paglabag sa Republic Act 6713, o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
Sa isang liham mula sa DILG, inatasan si Sangguniang Bayan Member Bagto Zapata na umupo bilang alkalde simula Mayo 26, 2025.
Noong Mayo 27, 2025, pormal nang sinimulan ni Zapata ang kanyang tungkulin bilang alkalde, at manunungkulan hanggang Hunyo 30, 2025.
Noong Mayo 12, 2025, nanalo si Charito Navarosa bilang bise alkalde, habang si Vincent Navarosa naman ang nahalal na alkalde. Gayunpaman, wala pang inilalabas na pahayag ang DILG 6 hinggil sa kanilang pamumuno matapos ang Hunyo 30, 2025.
Bukod sa dismissal, nahaharap ang mga respondent sa kanselasyon ng kanilang eligibility, kanselasyon ng retirement benefits, at panghabambuhay na diskwalipikasyon sa paghawak ng anumang posisyong pampubliko.
Kasalukuyang sinusubukan ng Bombo Radyo Kalibo na kunin ang panig ng mag-amang Navarosa.













