-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan — Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection at arson investigators sa Caluya, Antique kaugnay sa sanhi ng nangyaring sunog sa isang legislative speed boat ng lokal na pamahalaan ng Caluya sa lalawigan ng Antique, bandang alas-2:40 ng hapon ng Martes, Disyembre 2.

Ayon kay SFO1 Gil Filaro III, Intelligence and Investigation Section ng BFP-Caluya, bigla na lamang nagliyab ang speed boat habang nakadaong sa pantalan sa nasabing lugar.

Agad umanong nagtulong-tulong ang mga tao sa lugar at nagsagawa ng bucket brigade upang mapunan ng tubig ang tangke ng fire truck.

Rumesponde rin sa insidente ang mga tauhan ng MDRRMO response team, Philippine Coast Guard, at kapulisan.

Bandang alas-4:48 o halos dalawang oras na fire fighting ay tuluyang naapula ang apoy.

-- ADVERTISEMENT --

Wala namang naiulat na nasaktan sa apat na tripulante na sakay nito kabilang ang kapitan ng speedboat.

Nadamay sa insidente ang mga naka-stock na drum-drum ng gasoline at krudo sa pantalan na nagdulot ng makapal at maitim na usok kasama ang ilang grocery items na isasakay sana sa speed boat.

Ang naturang sakayang pandagat na kayang magsakay ng 15 katao ay nabili lamang ng LGU-Caluya noong Hulyo ng kasalukuyang taon na ginagamit na pangunahing transportasyon sa pagpunta sa iba pang isla at pag-transport ng mga pasyente sa mainland Antique o Mindoro.

Tinatayang nasa P10 milyon ang pinsala ng insidente.