Iniulat ng Department of Justice (DOJ) na tumaas ang performance ng National Prosecution Service (NPS) matapos ang mga repormang ipinatupad sa nakalipas na apat na taon ng administrasyong Marcos.
Batay sa datos mula Hunyo 2022 hanggang Marso 2026, umangat ang disposition rate ng NPS mula 92.95% tungo sa 99.77%, habang bahagyang tumaas ang prosecution success rate mula 89.94% hanggang 90.84%.
Sa parehong panahon, umabot sa 1.62 milyong kaso ang nalutas ng DOJ, kabilang ang 700 petisyon para sa review.
Iniuugnay ng DOJ ang pagbuti ng mga numerong ito sa serye ng mga kautusan at repormang ipinatupad, kabilang ang mga polisiya sa mas aktibong partisipasyon ng mga piskal sa pagbuo ng kaso, pinabilis na imbestigasyon, at mas maayos na pamamahala ng mga kasong kriminal.
Kabilang sa mga hakbang ang mga patakaran sa pagsusuri ng mga nakabinbing kaso sa mababang hukuman, pagproseso ng preliminary investigation at inquest proceedings, at mga gabay sa rekomendasyon ng piyansa sa mga kasong kriminal.













