Kinuwestiyon pa rin ni House Prosecutor Representative Terry Ridon ang paliwanag ng depensa na salary differential lamang ang natanggap ni Vice President Sara Duterte mula sa pamahalaan.
Iginiit ni Ridon na hindi dapat pinapayagan ang pagtanggap ng dalawang magkaibang kompensasyon mula sa gobyerno ng isang opisyal na nakaupo na sa panibagong posisyon.
Ayon sa mambabatas, hindi umano nagtutugma ang paliwanag ng mga testigo ng depensa sa mga dokumentong isinumite ng Bureau of Internal Revenue (BIR), partikular sa mga halagang nakatala bilang natanggap na pera ng Bise Presidente.
Ipinaliwanag ni Ridon na kung salary differential lamang ang natanggap ni Duterte, nasa humigit-kumulang ₱60,000 lamang dapat ang halaga nito. Gayunman, aniya, iba at mas malalaki ang mga halagang nakasaad sa mga dokumento ng BIR na hawak ng prosekusyon.
Sumang-ayon din si Ridon sa paalala ni Senator-Judge Raffy Tulfo na dapat alam ng Bise Presidente ang mga limitasyon sa pagtanggap ng pera mula sa iba pang sangay o lokal na pamahalaan.
Dagdag pa ng mambabatas, kung mayroon mang natanggap na salary differential si Duterte, mas mabuti sanang isinauli na lamang ito upang maiwasan ang kontrobersiya at posibleng problemang legal.
Binigyang-diin ng prosekusyon na hindi pa rin sapat ang mga paliwanag ng mga testigo ng depensa upang malinawan ang mga katanungan hinggil sa sahod at iba pang halagang natanggap ni Vice President Sara Duterte.












