KALIBO, Aklan — Magsasagawa ang Provincial Government of Aklan, sa pamamagitan ng Office of the Provincial Public Employment Service Manager (OPPESM) o PESO Aklan, ng dalawang araw na Jobs Fair sa Disyembre 3 hanggang 4, 2026, sa ABL Sports Complex, Estancia, Kalibo, Aklan.
Bukas ang aktibidad sa lahat ng Aklanon na naghahanap ng trabaho, kung saan magsisimula ang registration alas-9:00 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon.
May kabuuang 3,930 job opportunities ang iniaalok, kabilang ang 1,600 vacancies mula sa 30 kumpirmadong local employers at 2,251 job orders mula sa international placement agencies.
Kabilang sa mga oportunidad ang trabaho sa BPO, hotel, transportation, construction, retail at food production, gayundin sa Australia, Japan, China, Czech Republic at mga bansa sa Middle East.
Pinapayuhan ang mga aplikante na maagang magparehistro dahil first-come, first-served ang proseso. Magdala rin ng hanggang 10 kopya ng résumé o biodata.
Ito na ang ikalawa at huling Jobs Fair ng PESO Aklan para sa 2026, kung saan may pagkakataong ma-hire on the spot ang mga kwalipikadong aplikante.













