-- ADVERTISEMENT --

Nagpatupad ng bagong tigil-putukan ang pamahalaan ng Syria at ang Kurdish-led Syrian Democratic Forces matapos umatras ang SDF mula sa al-Hol camp na may kaugnayan sa mga hinihinalang kasapi ng Islamic State.

Kasama sa napagkasunduan ang plano para sa mapayapang integrasyon ng mga lugar na kontrolado ng SDF sa lalawigan ng Hassakeh sa pamahalaang sentral, habang tiniyak na hindi papasok ang puwersa ng gobyerno sa mga pangunahing lungsod at pamayanang Kurdish. Nangako rin ang SDF na igagalang ang tigil-putukan at ipagpapatuloy ang pagpapatupad ng naunang kasunduan upang tapusin ang labanan.

Inaasahang ilalagay sa ilalim ng kontrol ng pamahalaan ang mga imprastraktura at ang autonomous region sa hilagang-silangan ng Syria, kabilang ang pagsasama ng mga mandirigma ng SDF sa sandatahang lakas at pulisya. Ang kasunduan ay itinuturing na mahalagang hakbang sa pagsisikap na muling pag-isahin ang bansa matapos ang mahigit isang dekadang digmaang sibil.