Pinangunahan ni Ferdinand Marcos Jr. ang paglulunsad ng ikalawang yugto ng Manila Chinatown Revitalization Project sa Binondo upang higit pang pasiglahin ang turismo at ekonomiya sa lungsod.
Kabilang sa mga isinailalim sa ceremonial lighting ang La Madre Filipina, MacArthur Bridge, Sta. Cruz Church, Four Gates of Chinatown, at Ongpin Street, kasama ang projection mapping sa Binondo Church.
Bahagi ng plano ang pagpapaunlad sa Ongpin at Escolta Street bilang mga sentrong pangkultura at pangkalakalan, kalakip ng mas pinaigting na ilaw at tematikong presentasyon sa mga makasaysayang lugar.
Nakaugnay ang proyekto sa Pasig Bigyang Buhay Muli Program, kabilang ang pagpapalawak ng Pasig River Ferry na magdurugtong sa Manila Bay at Laguna Lake, at pagpapaganda ng mga pampublikong espasyo tulad ng Plaza Mexico at Arroceros Forest Park na konektado sa Intramuros at Manila Central Post Office.
Itinuturing ang Binondo, na itinatag noong 1594, bilang mahalagang sentro ng kalakalan at kulturang Pilipino-Tsino sa Maynila.












