Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na handa ang pamahalaan sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mamamayan kaugnay ng posibleng epekto ng Bagyong Crising.
Kaninang umaga ay personal na ininspeksyon ng Pangulo ang warehouse ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kung saan isinasagawa ang repacking ng family food packs gamit ang bagong makinarya. Kasama sa mga relief goods ang health kits, sanitary kits, family dress kits, at cooking sets.
Mas mabilis na ngayon ang proseso ng repacking dahil sa makabagong kagamitan. Ipinakita rin ng Pangulo ang mga balde na may filter na maaaring paglagyan ng maruming tubig na magiging ligtas inumin matapos salain—isang mahalagang kagamitan tuwing may kalamidad.
Sa kasalukuyan, may tatlong milyong food packs na nakaimbak at may nakaabang ding ₱2.9 bilyong standby funds ang DSWD para sa karagdagang panggastos kung kinakailangan.