-- ADVERTISEMENT --

Namataan ng Philippine Coast Guard ang pagpasok ng Chinese research vessel at mga maritime militia ship sa karagatan malapit sa Kalayaan Island Group sa isinagawang Maritime Domain Awareness flight nitong Miyerkules.

Ayon sa PCG, nakita ang Chinese research vessel na Xiang Yang Hong 33 kasama ang isang Chinese Coast Guard ship malapit sa Rozul Reef habang nagsasagawa umano ng hindi awtorisadong marine scientific research sa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.

Batay sa monitoring, ilang linggo nang umiikot ang naturang barko sa iba’t ibang bahagi ng West Philippine Sea kabilang ang Ayungin Shoal, Escoda Shoal, Panganiban Reef, at Quirino Atoll upang magsagawa ng survey activities.

Namataan din ng PCG ang 28 Chinese maritime militia vessels na nakaangkla sa paligid ng Cay 1 at Cay 2 sa Kalayaan Island Group, habang may isa ring Chinese Coast Guard vessel na nakita malapit sa Pag-asa Island.

Iginiit ng PCG na ang presensya at operasyon ng mga barkong Tsino ay paglabag sa sovereign rights at maritime jurisdiction ng Pilipinas sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

-- ADVERTISEMENT --