Nilinaw ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ipatutupad lamang ang mga proyektong flood control kung ito ay may kumpletong dokumento at opisyal na pag-apruba mula sa mga lokal na pamahalaan.
Sa isang pagtitipon sa Gonzaga, Cagayan, binigyang-diin ng Pangulo na bahagi na ngayon ng proseso ang pormal na pagtanggap ng mga proyekto ng mga barangay, bayan, at lalawigan bago ito ideklarang tapos. Layunin nito na matiyak ang kalidad ng trabaho at maiwasan ang katiwalian sa pagpapatupad ng mga imprastraktura.
May nakalaang mahigit PHP300 bilyong pondo para sa pagpapatuloy ng mga flood control project hanggang 2026. Samantala, ang PHP255.5 bilyong budget na orihinal sanang ilalaan sa mga proyekto ng flood control sa 2026 ay inilipat na sa mga prayoridad na programa ng ibang ahensya ng pamahalaan.
Kasabay nito, ibinalik na rin ng Pangulo ang dating patakarang nangangailangan ng LGU clearance bilang bahagi ng hakbang para sa mas maayos at transparent na implementasyon ng mga proyekto.