Magpapatupad ng dagdag presyo sa kada litro ng mga produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis sa bansa epektibo bukas ng umaga.
Sa magkakahiwalay na anunsiyo na inilabas ng mga kompanya ng langis sa bansa na pinangunahan ng Pilipinas Shell, Petron Corporation, Seaoil, Caltex (CPI) at Phoenix Petroleum, magpapatupad sila ng dagdag presyo na P0.30 sa kada litro ng gasolina at kerosene habang P0.20 naman sa kada litro ng diesel na magiging epektibo alas-6 bukas ng umaga.
Samantala, kahalintulad din ng mga nabanggit na presyo ang ipatutupad na dagdag ng halaga ng produktong gasolina at diesel ng mga kompanyang PTT Philippines, Total Philippines, Unioil, at Petro Gazz simula alas-6 din ng Martes ng umaga habang alas-4:01 naman ng hapon ang Clean Fuel.
Nabatid na ang panibagong oil price adjustment na ipatutupad ng mga lokal na kompanya ay batay sa dikta ng pandaigdigang merkado ng presyo ng langis na dulot na rin ng mataas na pangangailangan sa langis ng maraming bansa.
Matatandaan na nito lamang nakaraang Martes ay nagpatupad ng dagdag-bawas sa presyo kada litro ng mga produktong petrolyo kung saan nagpatupad sila ng bawas presyo na P0.10 sa kada litro ng gasolina habang taas presyo naman na P0.20 sa kada litro ng diesel at P0.10 naman sa kada litro ng kerosene.













