-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan—-Nananatiling 10 katao ang nailigtas mula sa lumubog na dalawang motorbanca sa karagatang sakop ng San Jose, Romblon, madaling araw ng Lunes,  Agosto 26, 2024.

Sa nagpapatuloy na search and rescue operation ng pinagsanib na pwersa ng Philippine Coast Guard-Aklan, PNP Maritime, Air Force, at Municipal Disaster Risk Reduction Management Office ng Malay, Aklan , sinabi ni Coast Guard Lieutenant Junior Grade John Laurence Banzuela na dalawang bangkay na ng lalake ang kanilang natagpuan sa bahagi ng Looc, Romblon na pinaghihinalaan na mula sa 10 iba pang nawawalang pasahero ng lumubog na mga bangka

Ayon naman kay Ammie Conanan Visca ng Local Disaster Risk Reduction Management Office ng San Jose, nasa mabuting kalagayan na ang 10 narescue na mga pasahero na kasalukuyang nasa pagamutan sa kanilang lugar.

Nabatid na mula ang dalawang motorbanca sa Angol Point, Brgy. Manocmanoc sa Isla ng Boracay dakong alas-3:00 hanggang alas-4:00 ng madaling araw ng Lunes papunta sana sa Caluya, Antique.

Habang lumalayag ang sakayang pandagat sa kalagitnaan ng isla ng Boracay at Carabao Island sa Romblon,  hinampas ng malakas na hangin at malalaking alon ang kanilang bangka na nagresulta sa paglubog nito.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kasalukuyan ay nagpapatuloy pa ang paghahanap sa iba pang mga nawawalang pasahero.