Muling tiniyak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kanilang pangako na gampanan ang tungkulin na protektahan ang bansa mula sa anumang uri ng banta.
Ipinahayag ito ng AFP kasabay ng pagbabago sa kalagayan ng rehiyon at lumalalang tensyon sa Middle East.
Ayon kay AFP Chief of Staff General Romeo Brawner Jr., laging handa ang mga tropa ng militar na ipagtanggol ang Pilipinas nang may tapang at dignidad. Binanggit niya rin ang pananatili nilang matatag sa kabila ng mga hamon na kinakaharap ng bansa.
Dagdag pa ni General Brawner, ang mahigit isang siglo ng kasaysayan ng AFP ay nagpapatunay sa kanilang lakas at dedikasyon sa kanilang tungkulin.
Nilinaw rin ng opisyal na ang pangunahing layunin ng AFP ay maiwasan ang pag-usbong ng mga banta ng digmaan, hindi ang makisangkot dito.
Kasabay nito, ipinagpatuloy ng AFP ang pagpapalakas sa kanilang hanay sa ilalim ng modernisasyon na kanilang isinusulong.