-- ADVERTISEMENT --

Tehran, Iran — Libo-libong mga Iranian ang lumabas sa mga kalye ng Tehran para sa isang libing na ginanap para sa mga nangungunang komandante, siyentipikong nukleyar, at ilang sibilyang nasawi sa giyera laban sa Israel.

Kabilang sa mga namatay sina Major General Mohammad Bagheri, General Hossein Salami, at General Amir Ali Hajizadeh.

Binansagang “Procession of the Martyrs of Power,” dinaluhan ang seremonya ng mga matataas na opisyal kasama sina Pangulong Masoud Pezeshkian at Ali Shamkhani, tagapayo ng Supreme Leader na sugatan din sa nasabing laban.

Ang mga ataul na may palamuti ng mga larawan ng mga nasawing bayani at pambansang watawat ay ipinurosisyon sa Azadi Square.

Nagpahayag ng pagmamalaki si Foreign Minister Abbas Araqchi kung saan, binigyaan diin nito na nagtagumpay ang Iran sa pagprotekta sa karangalan laban sa mga bansang may armas nukleyar.

-- ADVERTISEMENT --

Nauna nang tumama sa Iran ang malaking pag-atake ng Israel noong Hunyo 13 na puminsala sa mga nuclear facility.

Gumanti ang Iran sa pamamagitan ng pag-atake sa mga target sa Israel, habang sumali naman ang Estados Unidos noong Hunyo 22 sa pagsira sa mga pasilidad ng Iran.