Pinangunahan ni dating presidential spokesperson Atty. Harry Roque ang unity walk kasama ang mga overseas Filipinos bilang bahagi pa rin ng kanilang panawagan sa pamahalaan ng Netherlands na protektahan ang karapatan pantao ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na kasalukuyang nakapiit sa detention facility ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague.
Ang kanilang pagmartsa ng nasa anim na kilometro ang layo ay patuloy na umaapela sa mga kinauukulan na iuwi na ang dating pangulo sa bansa at ipagpaliban na lamang ang paglilitis sa kaniya bunsod ng umano’y illegal na pagdakip sa kaniya sa Pilipinas.
Halos nasa 120 days na aniya mula nang kunin sa sariling bansa si Duterte ng International Criminal Police Organization (Interpol) sa pakikipagtulungan ng Philippine National Police (PNP) dahil sa kasong crimes against humanity na iniugnay sa kaniyang kampanya laban sa illegal na droga na nagresulta aniya sa extra judicial killing sa ilalim ng kaniyang administrasyon.
Sa kabilang dako, bagama’t nasa maayos na kalusugan si Duterte ay nakakabahala pa rin aniya ni Atty. Roque ang pahayag ni ginang Elizabeth Zimmerman na buto’t balat na lamang ang dating presidente.
Si Zimmerman ang huling bumisita kay Duterte dahil sa tig-iisang miyembro lamang ng pamilya ang maaaring pumasok sa kaniya sa detention facility.
Nabatid na libo-libong overseas Filipinos sa kontinente ng Europa at maging sa iba pang ibayong dagat ang patuloy na nagpapakita ng suporta sa dating presidente at nananawagan na iuwi na ito sa Pilipinas.